Kasado na ang University Athletic Association of the Philippines (UAAP) na target magbalik-aksiyon sa unang bahagi ng 2022.
Pormal nang inanunsiyo ng liga ang bagong disenyo ng logo na napili ng UAAP management committee sa pamamagitan ng UAAP Logo Design Contest.
Nagwagi ang entry ni Darryl John Digal ng Far Eastern University kung saan tinalo nito ang mahigit 200 entries sa contest.
Base sa paliwanag ni Digal sa kanyang logo, ang disenyo ay nagsisimbulo ng malalim na kasaysayan ng sports sa bansa.Isa ang sports sa nagiging tulay upang pag-ugnayin ang iba’t ibang kultura gayundin ang paghubog sa karakter ng mga kabataang atleta.
“(It symbolizes) our athletic heritage and culture, emphasizing the mission to promote cultural diversity, character development, and athletic excellence,” ani Digal sa kanyang paliwanag sa kanyang likha na maihahalintulad sa sipa..“(It) taught us to develop our sportsmanship and values such as camaraderie, fairness, and civility.”
Ang sipa ay isa sa mga paboritong laro ng mga kabataan na nagiging daan rin para mahubog ang pakikipagkaibigan, sportsmanship at patas na paglalaro sa kanilang murang edad.
Ang iba’t ibang kulay naman ng logo ang kumakatawan sa walong unibersidad ng UAAP na may pagkakaisa at magandang samahan sa loob ng mahigit walong dekada ng liga.