Team Dasma kampeon

MANILA, Philippines — Sinilat ng Team Dasma Monarchs ang paboritong Go For Gold-Air Force Aguilas, 19-25, 26-24, 25-18, 25-17, upang dagitin ang kauna-una­hang titulo ng Philippine National Volleyball Fe­deration (PNVF) Champions League men’s tour­nament kahapon sa Aquamarine Recreatio­nal Center Gym sa Lipa, Batangas.

Nagbuhos ng 18 points mula sa 18 kills si Mark Frederick Calado upang trangkuhan ang malaking upset win ng Dasma kontra sa Air Force na binubuo kara­mihan ng national team players.

Sumuporta sa kanya sina Ronniel Rosales at Madzlan Gampong na may tig-13 markers.

Sinundan ng Mo-narchs ang F2 Logistics na siyang nagreyna sa women’s division noong nakaraang linggo bilang kinatawan ng bansa sa Asian club championships sa susunod na taon.

Sa panig ng Aguilas na winalis ang preliminary matches kabilang ang semifinals ay hindi sumapat ang 22 markers ni national team captain John Vic De Guzman upang makumpleto ang misyon bilang tournament favorites.

Nag-ambag din ng 15 at 11 markers sina Mark Alfafara at Kim Ma­la­bunga, ayon sa pagkakasunod, pero kulang pa rin ito para gabayan sa tagumpay ang mga ba­taan ni Philippine team coach Dante Alinsunurin.

Samantala, naisalba ng VNS Manileño Spi­kers ang bronze medal m­a­tapos daigin ang Glo­bal Remit, 25-21, 25-22, 25-20.

Itinanghal na Most Va­luable Player at First Best Outside Hitter si Calado.

 

Show comments