MANILA, Philippines — Inaasahang mapaplantsa na ng Phi-lippine Sports Commission (PSC) ang gagamiting health and safety protocols sa muling pagbubukas ng kanilang mga pasilidad para sa mga national athletes.
Sina PSC Chief of Staff at National Training Director Marc Velasco at PSC Executive Director Atty. Guillermo Iroy ang naatasang mag-asikaso nito, ayon kay PSC Commissioner Ramon Fernandez.
“Pina-finalize na lang nila Marc Velasco and Attorney Iroy iyong protocols ng PSC at pati iyong protocols na rin ng mga NSAs (National Sports Associations) that will train in those facilities,” ani Fernandez sa PSC Hour program.
Target ng sports agency na buksan ang kanilang mga pasilidad sa Rizal Memorial Sports Complex sa Manila at sa Philsports Arena sa Pasig City sa Enero 10 ng 2022.
Nakakuha na ang PSC ng greenlight mula sa Inter-Agency Task Force (IATF) para muling buksan ang mga pasilidad para sa pagbabalik-ensayo ng mga atleta.
“Pinayagan na tayong gamitin iyong ULTRA (Philsports). iyong track oval, swimming pool at tsaka lahat ng facilities dito sa loob,” ani Fernandez. “Iyong iba naman sa Rizal (RMSC) dapat puwede na rin silang mag-umpisa doon.”
Hiniram ng IATF at Department of Health (DOH) ang RMSC at Philsports para gawing quarantine facilities sa pagharap sa coronavirus disease (CO-VID-19) pandemic noong nakaraang taon.
Nahinto ang pag-eensayo ng mga national athletes sa RMSC at Philsports kung saan ang ilan ay ipinasok sa bubble training sa iba’t ibang probinsya.
Lalahok ang Team Philippines sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam sa Mayo at ang 19th Asian Games sa Hangzhou, China sa Setyembre ng 2022.