MANILA, Philippines — Excited na si opposite hitter Mylene Paat sa kanyang first international stint matapos itong hugutin ng Nakhon Ratchasima volleyball team para sa Women’s Volleyball Thailand League.
Napansin ang talento ni Paat nang masilayan ito sa aksiyon sa ilang international tournaments kasama ang national team kabilang na ang katatapos na 2021 Asian Women’s Club Volleyball Championship na ginanap sa Nakhon Ratchasima, Thailand noong Oktubre.
Kaya naman kinuha ng Nakhon Ratchasima si Paat upang makatulong sa kampanya nito sa Thai league.
Inaasahang kakayod nang husto si Paat lalo pa’t hindi pipitsugin ang koponang sasamahan nito.
Hawak ng Nakhon Ratchasima ang apat na korona sa Thailand League-- noong 2005, 2006, 2013 at 2018.
Ilang Thai superstars ang makakasama ni Paat sa Nakhon Ratchasima gaya ni veteran playmaker Nootsara Thomkom na miyembro ng Thai national team.
Nakalinya rin si dating Creamline Cool Smashers import Kuttika Kaewpin at sina Tichaya Boonlert, Kannika Thipachot at Chatchu-on Moksri.
Dadalhin ni Paat ang karanasang nakuha nito sa Philippine Superliga at Premier Volleyball League.
Tinulungan ni Paat ang Chery Tiggo na masungkit ang PVL Open Conference crown noong Agosto sa Bacarra, ilocos Norte, at sa runner-up finish sa katatapos na Champions League sa Lipa, Batangas.
Si Paat ang ikaapat na Pinay volleyball player na maglalaro bilang import sa international clubs matapos sina Jaja Santiago at Alyssa Valdez.