TNT Tropang Giga hari ng 1st leg ng PBA 3x3

MANILA, Philippines — Isinalpak ni Almond Vosotros ang ikalawa niyang free throw sa huling 6.2 segundo para sa 21-18 pag-eskapo ng TNT Tropang Giga sa Meralco at pagharian ang first leg ng 2021 PBA 3x3 tournament kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Kinumpleto ng Tropang Giga ang 7-0 sweep sa torneo para sa kanilang ikalawang PBA title matapos magkampeon sa nakaraang 5x5 na Philippine Cup sa Bacolor, Pampanga.

Inangkin nina Vosotros, Samboy de Leon, Lervin Flores at Jeremiah Gray ng TNT ang prem-yong P100,000, habang nakuntento sina Luis Gonzaga, Dexter Maiquez, Alfred Batino at Joseph Sedurifa sa P50,000.

Para umabante sa finals ay sinibak ng Tropang Giga ang Purefoods TJ Titans, 20-16, sa semifinals matapos patalsikin ang  Ginebra Gin Kings, 21-14, sa quarterfinals.

Ang ikalawang free throw ni Vosotros sa huling 6.2 segundo ang sumelyo sa panalo ng TNT matapos makadikit ang Meralco sa 18-20 mula sa two-point shot ni Gonzaga.

Ang mintis na tangkang 2-pointer ni Gonzaga sa nalalabing 12.8 segundo ang nagresulta sa foul shots ni Vosotros na tumalbog ang unang free throw bago naipasok ang ikalawa para sa paghahari ng Tropang Giga.

 Samantala, inangkin ng Purefoods nina Joseph Eriobu, Pao Javelona, Jed Mendoza at Val Acuna ang third place at premyong P30,000 matapos patumbahin ang Platinum, 21-16, nina Chris De Chavez, Karl Dehesa, JR Alabanza at Yutien Andrada.

Ang tirada ni Javelona ang sumelyo sa panalo ng Titans kontra sa Karaoke. Didribol naman ang ikalawang yugto ng six-leg, one conference sa Miyerkules. sa parehong venue.

Show comments