Mitchell panay kayod para sa Utah
SACRAMENTO, Calif. — Nagsalpak si Donovan Mitchell ng 26 points at humakot si Rudy Gobert ng 21 points at 14 rebounds para sa kanyang pang-limang sunod na double-double sa 123-105 paggupo ng Utah Jazz sa Kings.
Umiskor si Mike Conley ng 17 points at may 16 markers si Fil-Am Jordan Clarkson para sa ikatlong dikit na arangkada ng Jazz (11-5).
Pumapangatlo ang Utah sa Western Conference sa ilalim ng NBA-leading Golden State Warriors (14-2) at Phoenix Suns (12-3).
Tumapos si Richaun Holmes na may 22 points para sa pang-pitong kabiguan ng Sacramento (6-11) sa huling walong laro.
Sinimulan ng Jazz ang fourth period sa 12-2 atake para iwanan ang Kings sa 96-82 na lumobo sa 105-87 mula sa pull-up three-pointer ni Clarkson.
Sa Milwaukee, kumolekta si Giannis Antetokounmpo ng 32 points at 20 rebounds para igiya ang nagdedepensang Bucks (9-8) sa 117-108 pagdaig sa Orlando Magic (4-13).
Nagtala si Bobby Portis ng season-high 24 points bukod sa 15 rebounds para sa ikatlong sunod na ratsada ng Milwaukee na nasa No. 10 spot sa Eastern Conference.
Sa Washington, umiskor sina Kentavious Caldwell-Pope at Spencer Dinwiddie ng tig-16 points at nagsalpak ng dalawang mahalagang triples sa dulo ng fourth quarter sa 103-100 pagtakas ng Wizards (11-5) sa Miami Heat (11-6).
Umiskor si Bradley Beal ng kabuuang 21 puntos para pamunuan ang Washington na bumangon mula sa 16-point deficit sa ikatlong quarter para balikan ang Miami.
Sa iba pang laro, pinadapa naman ng Portland Trail Blazers ang Philadelphia 76ers, 118-111; tinalo ng Atlanta Hawks ang Charlotte Hornets, 115-105; wagi ang Minnesota Timberwolves sa Memphis Grizzlies, 138-95; nanalo ang Indiana Pacers sa New Orleans Pelicans, 111-94; binigo ng New York Knicks ang Houston Rockets, 106-99; at iginupo ng Boston Celtics ang Oklahoma City Thunder, 111-105.
- Latest