Antetokounmpo hataw kalabaw

Giannis Antetokounmpo at Anthony Davis.

MILWAUKEE — Humataw si Giannis Antetokounmpo ng 47 points at dinuplika ni Khris Middleton ang franchise record para sa career three-pointers sa paggiya sa nagdedepensang Bucks sa 109-102 panalo sa Los Angeles Lakers.

Nagbalik sa lineup si Middleton matapos mawala sa walong laro ng Milwaukee (7-8) nang magkaroon ng COVID-19 at nagtala ng 16 markers.

Ang 1,051 triples ni Middleton ang nagtabla sa kanya kay Ray Allen sa first place sa all-time list ng Bucks, nakahugot kina Bobby Portis at Pat Connaughton ng 17 at 16 points, ayon sa pagkakasunod.

Hindi pa rin naglalaro si LeBron James sa panig ng Lakers (8-8) sa ika-walong sunod na pagkakataon dahil sa kanyang abdominal strain.

Tumipa si Talen Horton-Tucker ng 25 points para sa Lakers at may 19, 18, 11 at 10 markers sina Russell Westbrook, Anthony Davis, Malik Monk at Carmelo Anthony, ayon sa pagkakasunod.

Sa Charlotte, nagtala si Terry Rozier ng 19 points, habang may 17 markers si Miles Bridges sa 97-87 panalo ng Hornets (9-7) kontra sa Washington Wizards (10-4).

Ito ang ikaapat na sunod na ratsada ng Hornets na tumapos sa five-game winning streak ng Wizards.

Sa New York, kumamada si James Harden ng 27 points sa 109-99 pagpapatumba ng Brooklyn Nets (11-5) sa Cleveland Cavaliers (9-7).

Nag-ambag si LaMarcus Aldridge ng 24 at may 23 markers si Kevin Durant 23 para sa pang-walong panalo ng Nets sa huli nilang 10-laban.

Sa Miami, kumolekta si Jimmy Butler ng triple-double na 31 points, 10 rebounds at 10 assists sa 113-98 paggupo ng Heat (10-5) sa New Orleans Pelicans (2-14).

Show comments