Torres nakatapak na uli sa track oval
MANILA, Philippines — Sa unang pagkakataon matapos ang halos dalawang taon ay muling nakatapak si national long jumper Marestella Torres sa track oval.
Kasalukuyan nang nasa bubble training ang three-time Olympian at four-time Southeast Asian Games gold medalist sa Baguio Athletic Bowl sa Baguio City kasama ang 35 pang atleta ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA).
Ito ay preparasyon sa Ayala Philippine Athletics Championships o National Open na nakatakda sa Disyembre 9-10 sa Philsports Complex sa Pasig City.
“Nangangapa talaga kami,” sabi ng 40-anyos na si Torres sa PSC Hour program. “Sa skills training lang kami medyo nahirapan kasi nga ngayon lang talaga kami tumapak sa oval after two years.”
Sasalang si Torres sa long jump event kung saan siya nakakuha ng gold medal sa SEA Games noong 2005 (Manila), 2007 (Thailand), 2009 (Vietnam) at 2011 (Indonesia).
“Malaking adjustment pagdating namin dito sa training,” sabi ni Torres. “Before naman ng bubble training tuluy-tuloy naman ang training namin kahit nasa iba-ibang lugar kami.”
- Latest