Nagoya ni Parks nakaganti

MANILA, Philippines — Nakaganti sina Ray Parks at Nagoya Diamond Dolphins sa Gunma Crane Thunders, 100-90, sa Japan B. League kahapon sa Ota City Sports Park.

Matapos malimitihan sa single digit sa kanilang 101-92 kabiguan kamakalawa, bumawi si Parks sa nailistang 12 puntos, limang rebounds at dalawang assists upang tulungan ang Nagoya na umangat sa 6-5 kartada.

Tahimik naman ang weekend debut ni Javi Gomez de Liaño para sa Ibaraki Robots na na-split ang dalawang laban sa Osaka para bahagyang umakyat sa 2-9 rekord.

Hindi naisalang si De Liaño sa 81-72 tagumpay ng Ibaraki kahapon matapos magkasya sa tatlong puntos sa kanilang 90-72 pagkatalo kamakalawa.

Kinumpleto ni De Liaño, na naantala ang debut dahil sa dagdag na requirements at 14-day quarantine, ang siyam na Filipino players sa Japan sa pag-arangkada ng B. League noon pang nakaraang buwan.

Pareho namang bigo ang magkapatid na sina Kiefer Ravena (Shiga Lakestars) at Thirdy Ravena (San-en NeoPhoenix) kontra sa defending champion na Chiba at Shibuya, ayon sa pagkakasunod.

Nasayang ang 27 markers at 10 assists ni Kiefer sa 89-83 kabiguan ng Shiga (6-5) sa Chiba habang nauwi rin sa wala ang 13 puntos ni Thirdy sa 91-80 pagkatalo ng San-en (3-8) sa Shibuya.

Nauna nang yumukod ang Shiga sa Chiba, 99-88, at San-en sa Shibuya, 70-64, kamakalawa para sa maalat na 0-2 kampanya sa nakalipas na linggo.

Kinapos din sina Matthew Aquino at Shinshu Brave Warriors (6-5) kontra sa Akita, 79-75, habang naglalaro pa as of press time sina Kobe Paras ng Niigata Albirex BB at Dwight Ramos ng Toyama Grouses.

Show comments