Booker, Shamet nagtulong sa panalo ng Suns sa Rockets

PHOENIX — Nagsalpak si Devin Booker ng 27 points habang may 19 markers si Landry Shamet mula sa bench sa 123-111 pagsunog ng Suns sa Houston Rockets para sa kanilang ikatlong sunod na panalo.

Itinayo ng Suns (4-3) ang 15-point lead sa fourth period para ipalasap ang pang-limang dikit na kamalasan ng Rockets (1-7).

Tumipa si Kevin Porter Jr. ng season-high 20 points at may 18 mar­kers si Christian Wood sa panig ng Houston na iniwanan ang Phoenix sa halftime, 61-56.

Sa Atlanta, umiskor si Fil-Am Jordan Clarkson ng 30 points sa 116-98 paggupo ng Utah Jazz 7-1) sa Atlanta Hawks (4-5) bagama’t hindi nag­laro si Donovan Mitchell (sprained right ankle).

Naglista si Trae Young ng 21 points sa panig ng Hawks.

Sa Los Angeles, humugot si Shai Gilgeous-Alexander ng 11 sa kanyang 28 points sa fourth quarter at bumangon ang Oklahoma City Thunder (2-6) mula sa 19-point deficit para agawin ang 107-104 panalo sa La­kers (5-4).

Hindi naglaro si Le­Bron James para sa La­kers, nakahugot kay Anthony Davis ng 29 points at 18 rebounds, dahil sa kanyang abdominal strain.

Sa Detroit, kumamada si Seth Curry ng 23 points habang may 20 markers si Tyrese Maxey para sa 109-98 paggiba ng Philadelphia 76ers (7-2) sa Pistons (1-7).

Sa Miami, nagposte si Jaylen Brown ng 17 points sa pamumuno sa anim pang players ng Boston Celtics (4-5) na naglista ng double fi­gures sa 95-78 pananaig sa Heat (6-2).

Show comments