Olympic boxing medalists bibigyan ng negosyo ni RSA

MANILA, Philippines — Bukod sa cash incentives ay bibigyan din ng San Miguel Corporation (SMC) ng kanilang sariling negosyo sina Tokyo Olympic Games silver medalists Nesthy Petecio at Carlo Paalam at bronze medal winner Eumir Felix Marcial.

Ayon kay SMC president Ramon S. Ang, ang tatlong Olympic boxers ang pipili ng gusto nilang maging negosyo na itatayo sa kanilang probinsya.

“As we wish them further success in boxing in the coming Olympics and in Eumir’s case, his next professional bout, we also taking steps to further secure their future with the San Miguel businesses of their choice,” wika ng SMC chief.

Sumuntok sina Petecio at Paalam ng silver medal sa women’s featherweight at men’s flyweight, ayon sa pagkakasunod, sa Tokyo Olympics habang umiskor si Marcial ng bronze sa men’s middleweight.

Binigyan ng SMC sina Petecio at Paalam ng tig-P5 milyon at P2 milyon kay Marcial, lumagda ng isang six-year contract noong Hulyo ng 2020 sa MP Promotions ni Sen. Manny Pacquiao bilang isang professional boxer.

Nauna nang tumanggap si national weightlifter Hidilyn Diaz ng insentibong P10 milyon mula sa SMC para sa kanyang binuhat na kauna-unahang Olympic gold medal ng bansa.

Kumpiyansa si Ang na muling makakalaro sina Petecio, Paalam at Marcial sa 2024 Olympics na idaraos sa Paris, France para sa tsansang makakuha ng gold medal.

Samantala, naniniwala ang SMC chief na magiging isa ring world champion ang tubong Zamboanga City na si Marcial kagaya ng eight-division titlist na si Pacquiao at boxing great Gabriel ‘Flash’ Elorde.

Show comments