Pogoy, Rosario extended sa TNT
Paglipad sa Japan B.League napigilan
MANILA, Philippines — Kaliwa’t kanan ang pagpasok ng Pinoy cagers sa Japan B.League.
At hindi malayo na marami pang tutulak sa Japan para mas malaking offer na nakaabang doon.
Ngunit hindi sumama sa listahan sina Roger Pogoy at Troy Rosario ng Talk N Text Tropang Giga.
Natapos na ang kontrata ni Pogoy sa Tropang Giga habang nakatakda namang mapaso ang kontrata ni Rosario sa Disyembre 31.
Sa halip na kagatin ang makinang na offer sa Japan, nanatili sina Pogoy at Rosario sa TNT.
Parehong pumirma ng three-year maximum deal sina Pogoy at Rosario.
Malaki ang naging papel ni TNT head coach Chot Reyes sa naging desisyon ng dalawang players.
“They had offers dangled in front of them from Japan. There was a very real possibility that we would lose them. There was nothing we could offer that would match the dollar sign,” ani Reyes sa Call to Arms podcast.
Ipinaliwanag ni Reyes sa dalawa ang pagiging pamilya ng TNT — mula sa management, coaches, players staff hanggang sa ball boys.
Kaya naman naging mas madali para kina Pogoy at Rosario ang makapagdesisyon.
“But the one thing we could offer is the other things – how we are a family here and the other things. Roger signs and Troy signs, so we have those two guys for the next three years,” ani Reyes.
Nilinaw naman ni Reyes na hindi nito pinipigilan ang mga players para makapaglaro sa ibang bansa.
Nakasalalay pa rin ang lahat sa desisyon ng mga players kung mananatili ito sa team o tuluyan nang lilisanin ang tropa.
- Latest