Tropang Giga tatapusin na ang serye
MANILA, Philippines — Ang ipanalo na lamang ang Game Five ang kailangang gawin ng TNT Tropang Giga para mapasakamay ang kanilang pang-walong korona.
Bitbit ang 3-1 lead sa kanilang championship series, pipilitin ng Tropang Giga na tuluyan nang iligpit ang Magnolia Hotshots ngayong alas-6 ng gabi sa 2021 PBA Philippine Cup Finals sa Don Honorio Ventura State University Gym sa Bacolor, Pampanga.
Umiskor ang TNT ng 106-89 panalo sa Magnolia sa Game Four tampok ang 26 points ni rookie Mikey Williams para ilapit ang sarili sa kampeonato.
Huling naghari ang PLDT franchise noong 2015 Commissioner’s Cup.
“Our entire focus is just the next game. In fact, it’s not even the next game, but the first six minutes of the first quarter,” sabi ni Tropang Giga head coach Chot Reyes. “That’s how laser-like our focus has to be. We cannot think of anything else. We can’t get ahead of ourselves.”
Tanging sina Jayson Castro, Kelly Williams at Ryan Reyes ang natitirang miyembro ng nasabing huling champion team ng TNT.
Determinado naman ang Magnolia na makapuwersa ng Game Six sa Linggo kung saan ang gagawin nilang inspirasyon ay ang Ginebra at San Miguel.
Nakabangon ang Gin Kings mula sa 1-3 agwat noong 1991 First Conference Finals para agawin sa Shell Turbo Chargers ang kampeonato habang rumesbak ang Beermen buhat sa 0-3 butas sa paggiba sa Alaska Aces noong 2016 Philippine Cup Finals.
- Latest