PBA Player of the Week Mikey Williams - TNT Tropang Giga

Mikey Williams.

MANILA, Philippines — Ibinulsa ni Mikey Williams ang huling Cignal Play – PBA Press Corps Player of the Week ngayong conference matapos magsilbing malaking bahagi ng pagbabalik ng TNT Tropang Giga sa finals ng PBA Philippine Cup sa Bacolor, Pampanga.

Nagtala ang No. 4 overall rookie pick ng 15.7 puntos sa impresibong 45-percent shooting (10-of-22) mula sa tres sahog pa ang 5.0 assists at 4.0 rebounds sa huling tatlong laro ng best-of-seven semifinal series na napagwagian ng TNT laban sa San Miguel.

Nagpakawala si Williams ng 18 puntos at apat na assists sa kanilang 110-90 panalo sa Game 5 bago magkasya lang sa siyam na puntos sa 103-90 kabiguan sa Game 6 na nagtulak sa serye sa rubber match Game 7.

Doon ay ibinuhos ni Williams ang kumpletong performance nang kumamada ng 20 puntos, walong rebounds at anim na assists tungo sa kumbinsidong 97-79 panalo ng TNT upang makaabante sa finals kontra sa Magnolia Hotshots.

Show comments