MANILA, Philippines — Makukumpleto na ang walong Filipino players sa Japan matapos umaalis kahapon si Javi Gomez de Liaño ng Pilipinas upang samahan ang kanyang koponan na Ibaraki Robots sa Japan B. League.
Si De Liaño ang huling Pinoy na bumiyahe pa-Japan kasunod nina Dwight Ramos ng Toyama Grouses at Kemark Cariño ng Aomori Wat’s noong nakaraang linggo sakto sa pagbubukas ng 2021-2022 B. League Season.
Subalit kagaya nina Ramos at Cariño ay kailangan munang sumailalim ni De Liaño sa mandatory 14-day quarantine bago tuluyang makasama sa Ibaraki.
Kung walang magiging aberya ay inaasahang makakalabas na sa quarantine sa susunod na linggo sina Ramos at Cariño habang magsisimula pa lang ang isa ring Gilas standout na si De Liaño sa quarantine na matatapos sakto bago ang laban ng kanyang koponang Robots kontra kina Thirdy Ravena at San-en NeoPhoenix sa Oktubre 23.
Hindi makakalaro si De Liaño sa isa pang malaking laban kontra kay Kiefer Ravena at Shiga Lakestars ngayong linggo.
Sumalang sa B. League opening weekend ang apat na Pinoy standouts na sina Thirdy, Kiefer, Kobe Paras (Niigata) at Juan Gomez de Liaño (Earthfriends TokyoZ) habang hindi nakalaro si Ray Parks Jr. (Nagoya) bunsod ng muscle strain injury.