MANILA, Philippines — Magbabalik sa ice skating rink si two-time Winter Olympian Michael Martinez matapos ang tatlong taon sa kanyang pagsalang sa Finlandia Trophy sa Espoo, Finland na magsisimula ngayon hanggang Oktubre 10.
Huling sumabak ang 24-anyos na Pinoy figure skater noong 2018 Winter Olympics sa Pyeongchang, Korea kung saan siya tumapos sa pang-28 puwesto.
Lalahok sana si Martinez sa CS Nebelhorn Trophy noong nakaraang buwan kundi lamang siya nagkaroon ng injury. Sasali rin sa ikaapat na event ng 2021-22 Figure Skating Challenger Series sina Sofia Frank at Fil-American Christopher Caluza.
Sumabak si Frank sa nakaraang Nebelhorn Trophy at pumuwesto sa pang-24 matapos kumuha ng bronze medal sa 2021 Colorado Springs Invitational. Isa namang silver medalist si Caluza, ipinanganak sa Chula Vista, California, noong 2019 Southeast Asian Games na pinamahalaan ng Pilipinas.