MANILA, Philippines — Pasok sa fifth round sina dating world champion Dennis Orcollo at Johann Chua matapos magtala ng dalawang sunod na panalo sa 2021 US Open 9-Ball Pool Championship na ginaganap sa Harrah’s Resort sa Atlantic City.
Matikas na pinataob ni Orcollo sina Corey Deuel ng Amerika (11-1) sa third round at Alex Kazakis ng Greece (11-3) sa fourth round para umabante sa susunod na yugto ng torneong may nakalaang $50,000 para sa magkakampeon.
Hindi rin maawat si Chua na namayani kina Christopher Lawson ng Amerika (11-5) sa third round at Pijus Labutis ng Lithuania (11-6) sa fourth round.
Sunod na makakasagupa ni Orcollo si Oliver Szolnoki ng Hungary habang titipanin ni Chua si Mieszko Fortunski ng Poland sa kanya-kanyang fifth-round matches.
Hindi naman pinalad ang iba pang Pinoy cue masters na isa-isang yumuko sa kanilang mga laban para mahulog sa mas mahirap na losers’ bracket.
Talo si Carlo Biado kay David Alcaide ng Spain (5-11) habang tumupi rin si Roberto Gomez laban kay Fedor Gorst ng Russia (6-11) at ligwak din si Filipino-Canadian Alex Pagulayan kontra naman kay Toh Lian Han ng Singapore (8-11).
Makakasama nina Biado, Gomez at Pagulayan sa losers’ bracket sina Roland Garcia, Jeffrey De Luna, Jeffrey Ignacio, James Aranas at Warren Kiamco.