Jimuel Pacquiao naiwan sa US para mag-training
MANILA, Philippines — Naiwan si Jimuel Pacquiao sa Amerika para paghandaan ang kanyang susunod na boxing fight sa buwang ito.
Pukpukan ang ensayo ni Jimuel sa Wild Card Gym sa Hollywood, California kasama si Hall of Famer Freddie Roach.
Sumailalim sa ilang rounds ng sparring sessions si Jimuel kasama si Jonas Sultan na sariwa pa sa impresibong seventh round knockout win kay Sharone Carter noong Agosto 14 sa Carson California.
Pinaghahandaan ni Jimuel ang laban nito kay YouTuber Boy Tapang ngunit wala pang eksaktong petsa ang laban.
Naiwan si Jimuel sa Amerika matapos ang laban ni eight-division world champion Manny Pacquiao kay WBA welterweight king Yordenis Ugas.
Personal na napanood ni Jimuel ang laban ng kanyang ama kung saan lumasap ito ng unanimous decision loss sa Cuban fighter.
Desidido si Jimuel na sundan ang yapak ni Manny at suportado naman ito ng mas matandang Pacquiao.
Alam ni Jimuel na may pressure na nakasampa sa kanyang balikat lalo pa’t makulay ang boxing career ni Manny subalit handa si Jimuel na gumawa ng sariling pangalan nito sa mundo ng boxing.
“The pressure is always there, laging nandoon kahit sa pagbo-boxing. Hindi naman ito maiiwasan. But I take it as a challenge and I wanna make a name for myself. I believe I can do it,” ani Jimuel sa kanyang mga naunang panayam.
- Latest