MANILA, Philippines — Parehong nabigo sina national para swimmers Gary Bejino at Ernie Gawilan na makapasok sa finals ng kani-kanilang event sa Tokyo Paralympic Games kahapon.
Tumapos si Bejino na pang-pito sa heat 1 sa kanyang itinalang 36.14 segundo at ika-14 sa kabuuang 16 swimmers sa men’s 50m butterfly S6 classification sa Tokyo Aquatics Center.
“I believe that Gary’s time of 36.14 seconds is his personal best if I am not mistaken,” ani swimming coach Tony Ong. “Nagbago kami ng stroke because of the new rule in the butterfly event. He still got a very good time.”
Nangulelat ang 25-anyos na si Bejino sa kabuuang 17 tankers sa men’s 200m individual medley S6 sa una niyang event noong nakaraang Huwebes.
Nakatakda pa siyang lumangoy sa men’s 400m freestyle S6 sa Huwebes at sa men’s 100m backstroke S6 sa Biyernes.
Minalas ring makakuha ng finals seat si Gawilan nang tumapos sa ikaanim sa heat 2 ng men’s 100-meter backstroke S7 sa inilista niyang 1:21.60.
Hindi rin siya nakaabante sa finals ng men’s 200-meter individual medley habang lumaban naman siya sa medalya sa men’s 400-meter freestyle at pumuwesto sa No. 6.
Natapos ang kampanya ni Gawilan sa Tokyo Paralympics na walang nakamit na medalya.