MANILA, Philippines — Pipilitin ni Pinoy wheelchair racer Jerrold Mangliwan na makasikwat ng medalya sa kanyang pagkarera sa finals ng men’s 1,500-meter-T52 race sa Tokyo Paralympic Games sa Japan National Stadium.
Pupuwesto ang 41-anyos na si Mangliwan sa lane 4 sa hanay ng pitong outright finalists sa event na pakakawalan ngayong alas-7:42 ng gabi.
Bagama’t nakapasok sa finals ng men’s 400-meter run ay na-disqualify naman siya nang hindi sinasad-yang makain niya ang linya ni Thomas Geierspichler ng Austria papalapit ng finish line.
“Baka nga kumaliwa at pumasok sa lane sa lakas ng hataw ng kanang kamay niya (Mangliwan),” paliwanag ni coach Joel Deriada na naiwan dito sa Pinas dahil sa pagiging COVID-19 positive.
Kagaya ni Mangliwan, nalabag din ni American Isaiah Rigo ang nasabing World Para Athletics Rule 18 ukol sa ‘lane crossing and obstruction’.
Kung hindi siya na-disqualify ay tumapos sana si Mangliwan sa fifth place overall tampok ang pagtatala ng bagong national record na 1:00.80.
Bukod kay Mangliwan, sasabak rin sa aksyon si swimmer Ernie Gawilan na lalangoy sa second heat ng men’s 400-meter freestyle-S7 race ngayong alas-8:07 ng umaga.
Ang top eight qualifiers ang sasalang sa finals kinahapunan.
Nabigo si Gawilan na makasama sa finals ng 400-meter individual medley noong Biyernes.