MANILA, Philippines — Ibabawi nina national para swimmer Ernie Gawilan at wheelchair racer Jerrold Mangliwan ang kabiguang nalasap ni tanker Gary Bejino sa kanilang pagsalang sa Tokyo Paralympic Games ngayong araw.
Makikipag-unahan si Gawilan sa heats ng men’s SM7 200-meter individual medley sa alas-9:03 ng umaga kung saan ang top eight sa tatlong heats ang aabante sa finals kinahapunan sa Tokyo Aquatic Center.
Sina Gawilan at Mangliwan ay nakita sa aksyon noong 2016 Rio de Janeiro Paralympics.
Sasabak si Mangliwan T52 men’s 400-meter run sa alas-9:43 ng umaga sa athletics competition sa Japan National Stadium.
Sinabi ni Mangliwan, ang flag-bearer ng Team Philippines sa opening ceremonies, na iaalay niya ang kanyang karera kay coach Joel Deriada na nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) kaya hindi nakasama sa biyahe.
“Pagbubutihin ko talaga na makapasok sa finals at makapagbigay ng karangalan sa bansa,” wika ng 41-anyos na si Mangliwan. “Para kay coach Joel din itong takbong ito.”
Ang top three finishers sa dalawang heats kasama ang dalawang pinakamabilis na wheelchair racer sa hanay ng 13 entries ang bubuo sa eight-man finals kinagabihan.
Nauna nang nangulelat si Bejino sa heats ng men’s SM6 200-meter individual medley event sa kanyang itinalang 3:17.19 tiyempo. Tumapos si Bejino sa pinakahuli sa anim na entries sa kanyang heat at ika-17 sa kabuuang tatlong heats.