MANILA, Philippines — Desidido si Manny Pacquiao na mabawi ang World Boxing Association (WBA) welterweight belt nito na kasalukuyang hawak ni Cuban fighter Yordenis Ugas.
Ayon kay Pacquiao, magkakaalaman na kung sino ang totoong kampeon sa oras na magkita sila sa loob ng ring ni Ugas sa Linggo (araw sa Maynila) sa T-Mobile Arena sa Las Vegas, Nevada.
Matatandaang binawi kay Pacquiao ang WBA belt matapos mabigong madepensahan ang titulo sa loob ng isa’t kalahating taon dahil sa pandemya.
Si Ugas ang nakinabang sa desisyong ito ng WBA dahil ang Cuban pug ang sumalo sa belt ni Pacquiao.
Kaya naman gigil si Pacquiao na muling mahawakan ang WBA crown nito.
“I didn’t like that someone took my belt without challenging me in the ring. Both of us are champions, but we’ll see who has the belt after Saturday,” ani Pacquiao.
Nasa perpektong kundisyon na si Pacquiao sa laban.
Ngunit mas mabagsik ang Pinoy champion lalo na kung inspirado ito.
“Boxing is my passion. I enjoy training camp and I’m excited to sacrifice and be disciplined every day to prepare for a fight like this,” ani Pacquiao.
Plakado na ang game plan ni Pacquiao na inihanda ni Hall of Famer Freddie Roach.
Kailangan na lamang nitong maisagawa ang lahat ng plano sa laban upang makuha ang target nitong panalo.
Nakatakda ang official weigh-in ngayong araw ngunit walang nakikitang problema ang Team Pacquiao sa timbang ng Pinoy pug dahil maganda ang kundisyon ng pangangatawana nito.