Onyok Velasco may matatanggap din

MANILA, Philippines — Nakatakdang bigyan ng Malacañang si Olympic silver medalist Mansueto ‘Onyok’ Velasco, Jr. ng P500,000 cash incentives dahil sa kanyang karangalan na naibigay sa bansa noong 1996 Atlanta Games.

Gumawa ng paraan si Senate Committee on Sports chairman Sen. Bong Go para maiparating kay Pangulong Rodrigo Duterte ang hinaing ni Velasco kaugnay sa mga insentibong hindi niya natanggap 25 taon na ang nakakalipas.

“Sa panahon ni Pangulong Duterte, binibigyan natin ng importansya, suporta at insentibo ang mga atleta natin lalo na ‘yung mga nagtagumpay sa Olympics ngayon,” wika kahapon ni Go.

“Bigyan din dapat natin ng karampatang pagkilala ang mga atleta natin katulad ni Onyok na nangangailangan ng tulong natin ngayon,” dagdag pa ng Senador na kilalang sportsman.

Matapos makuha ang Olympic silver medal noong 1996 Atlanta Games ay pinangakuan ang 47-anyos ngayong si Velasco, isa nang part-time comedian at television personality, ng Kongreso ng cash incentives na P2.5 milyon na hindi niya natanggap. Isang negosyante rin ang nangako sa kanya ng lifetime allowance na P10,000 kada buwan na nahinto matapos ang isang taon, habang hindi rin naibigay ng Philippine Navy ang scholarships sa dalawa niyang anak.

“Nakapagdala ng honor si Onyok sa ating bansa,. Napaglipasan lang ng panahon ang ibang mga ipinangako sa kanya. Kaya ako nakiusap sa gobyerno,” sabi ni Go.

Show comments