MANILA, Philippines — Sumampa agad sa professional league ang Gilas Pilipinas standout na si Francis Lebron Lopez matapos pumirma ng kontrata sa ligang Overtime Elite (OTE) sa Amerika.
Mismong si OTE basketball operations head Brandon Williams ang nagsiwalat ng magandang balita at naniniwala ito sa talento ng Pinoy cager.
“We’re delighted to have Lebron join the OTE family as we expand our international reach, bringing in top talent from across the globe,” ani Williams.
Umaasa si Williams na mas lalo pang mahuhubog ang talento ni Lopez sa OTE dahil sa mga world-class coaches at trainers doon gayundin ang mga high-tech training facilities at scientific programs para sa mga players.
Bahagi si Lopez ng Gilas Pilipinas na sumabak sa final window ng FIBA Asia Cup Qualifiers sa Clark, Pampanga kung saan nagtala ito ng walong puntos, limang rebounds, isang steal at isang block sa 76-51 panalo ng Pilipinas kontra sa Indonesia.
Sa kanyang huling taon sa Ateneo High School sa UAAP, nagrehistro si Lopez ng mga averages na 16.0 points, 9.2 rebounds at 3.0 blocks kaya nakuha niya ang atensiyon ng lahat.
“Francis is a young man who has impressed us with both the combination of pure passion for the game and self-improvement, physical athleticism, work ethic, as well as many leadership intangibles. He’s the kind of player we want and expect to thrive at OTE,” dagdag ni Williams.
Hindi isiniwalat ang nilalaman ng kontrata nito subalit ang minimum contract ay nagkakahalaga ng $100,000 o halos P5 milyon.