Galedo, Velasco bumandera sa ITT event
MANILA, Philippines — Kapwa nanguna sina veteran Mark John Lexer Galedo at Kate Yasmin Velasco sa Day One ng PhilCycling National Trials for Road noong Sabado sa Clark Freeport Zone sa Pampanga.
Naglista ang 35-anyos na si Galedo ng bilis na 32 minuto at 2.2 segundo para banderahan ang men’s individual time trial (ITT) na itinakbo sa distansyang 24.6 kilometro na sinimulan at tinapos sa Clark Parade Grounds.
Inungusan ni Galedo ng 7-Eleven Roadbike Philippines sina Navyman Jhon Mark Camingao (32:28.0) at Joey delos Reyes (33:00.3) na nakuntento sa silver at bronze medal, ayon sa pagkakasunod.
Nabigo naman ang 2013 Myanmar Southeast Asian Games gold medalist na makuha ang kanyang ikalawang panalo sa men’s criterium race sa 2-3-km perimeter ng Clark Parade Grounds.
Si Dominic Perez ng Go For Gold ang naghari sa nasabing event mula sa kanyang ipinadyak na 13 points kasunod sina Navyman Steve Hora (10) at Go For Gold teammate Ronnel Hualda (10).
Samantala, naglista si Velasco ng Philippine Navy-Standard Insurance ng tiyempong 27:52.814 para pagreynahan ang 17.1-km women’s ITT ng national trials na inorganisa ng PhilCycling na pinamumunuan ni Philippine Olympic Committee (POC) president at Tagaytay City Rep. Abraham “Bambol” Tolentino.
- Latest