Last column, nasariwa ko ang bitter-sweet memories ng mga Pinoy sa naunang Tokyo Games noong 1964 – partikular ang close call defeat ni boxer Anthony Villanueva sa featherweight finals kontra sa Russian rival na si Stanislav Stepashkin.
Pero hindi lang ‘yon ang nagpasama ng loob sa 52-strong Philippine contingent sa edisyon na iyon ng Quadrennial Games.
Bago pa ang Olympic proper, inalat na ang Pinas nang hindi nakalagpas sa Olympic qualifier ang Phi-lippine cage team. First time iyon na naitsapuwera ang Pinas simula nang unang inilaro ang basketball sa Olympics noong 1936 sa Berlin.
At marami pang kamalasan ang sinapit ng 1964 Phl Olympic team.
Naisugod sa ospital si gymnast Maria Luisa Floro dahil sa appendectomy, tinamaan ng pigsa si cyclist Daniel Olivares at nadisgrasya ang throwing hand ni discus hurler Josephine de la Vina sa isang aksidente sa kanyang quarters sa Olympic Village.
Kaya sweet turnaround, big rebound at major breakthrough ang puntirya ng 19-strong Phl team sa Tokyo Games na sisipa sa July 23.
Nagbabadyang idaraos ang kabuuan ng Olimpiyada kahit na nasa state of emergency ang Tokyo dahil sa patuloy na pagdaluyong ng COVID-19 cases.
Maaaring bawal na rin ang local crowd sa playing venues.
Pero maaaring maging bentahe ito sa ating mga atleta na complete focus ang nais sa paghabol ng first-ever Olympic gold para sa bansa.