Knott naghihintay na lang ng negative result

MANILA, Philippines — Sa inaasahan niyang negative result sa coronavirus disease (COVID-19) ay magbabalik si Fil-American trackster Kristina Knott sa United States mula sa Sweden para ipagpatuloy ang kanyang preparasyon sa 2021 Olympic Games.

Mag-eensayo si Knott sa Florida bago pumasok sa isang maiksing training camp sa Austin, Texas bilang paghahanda sa Olympics na nakatakda sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8 sa Tokyo, Japan.

“I feel great. If anything, I’m confused. Because everyone who I’m with tested negative, I’m the only one who tested positive. And I feel great,” wika ni Knott na nagposi-tibo sa COVID-19 sa araw na nabigyan siya ng Olympic spot via universality rule. “So I don’t know if it’s a false positive.”

Dahil nagpositibo sa COVID-19 ay hindi nakalahok ang 2019 Southeast Asian Games double gold medalist sa dalawang karera sa Sweden at Finland at isinailalim sa isang five-day quarantine sa Sweden.

Sa 2021 Tokyo Olympics ay sasalang si Knott sa women’s 200-meter dash kung saan hangad niyang sirain ang sariling Philippine at SEA Games record na 23.01 segundo.

“We’re going to work nothing but rhythm, especially because I’m only going to focus on the 200 which is good,” ani Knott kasama si American coach Rohsaan Griffin. “Because I know a lot this year, I focused lot more usual on 100, so I’m excited to just really to train and focus on 200.”

Si Knott ay isa sa 15 qualifier ng bansa sa 2021 Olympics.

Ang iba pa ay sina weightlifters Hidilyn Diaz at Elreen Ando, Fil-Japanese judoka Kiyomi Watanabe, pole vaulter EJ Obiena, skateboarder Margielyn Didal, gymnast Carlos Edriel Yulo, golfer Juvic Pagunsan, shooter Jayson Valdez, taekwondo jin Kurt Barbosa, rower Cris Nievarez at boxers Eumir Felix Marcial, Irish Magno, Nesthy Petecio at Carlo Paalam.

Show comments