MANILA, Philippines — Itinanggi ng University of the Philippines (UP) ang naglabasang ulat sa pagbibitiw umano ni veteran mentor Bo Perasol bilang head coach ng Fighting Maroons sa UAAP men’s basketball.
Sa statement na inilabas ni UP College of Human Kinetics Dean Francis Diaz, hindi nagbitiw si Perasol sa kanyang puwetso at mananatili itong head coach ng basketball program ng unibersidad.
Ayon pa kay Diaz, may prosesong sinusunod ang UP sa pagpili ng mga coaches.
“UP has formal processes in selecting varsity coaches. Right now Coach Bo is still the UPMBT head coach and he has not resigned. We are formally refuting news articles that came out with regards to Coach Bo’s coaching status in UP MBT,” ani Diaz.
Nakikiramay din ang buong UP community kay Perasol matapos sumakabilang-buhay ang kanyang ina dahil sa coronavirus disease (COVID-19).
“Lastly, the entire UP community (officials, varsity program, UP MBT, and the alumni) is bereaving with Coach Bo on the recent passing of his mother due to COVID-19,” pagtatapos ni Diaz.
Nauna nang naglabasan sa social media ang umano’y pagbibitiw ni Perasol matapos mapaso ang kontrata nito noong Hunyo 10.
Wala pang pormal na anunsiyo si Perasol na kasalukuyang nagdadalamhati sa pagpanaw ng kanyang ina.
Limang taon nang hinahawakan ni Perasol ang Fighting Maroons.
Sa ilalim ng kanyang pamumuno, dalawang beses pumasok sa Final Four ang UP noong Season 81 at Season 82
Umentra ang UP sa finals noong Season 81 para tuldukan ang mahigit tatlong dekadang finals drought ng tropa.