MANILA, Philippines — Sulit ang paghihintay kay Alfritz Arevalo ng San Beda University dahil nagbunga ito ng isang makislap na gintong medalya sa NCAA Season 96.
Matagal ding nabakante si Arevalo dahil sa pandemya. At sa halip na malugmok, ginawa niya itong magandang pagkakataon upang maging pulido ang kanyang performance.
Hindi naman nabigo si Arevalo nang pagharian nito ang men’s standard poomsae event matapos makakuha ng impresibong 7.217 puntos.
Pumangalawa lamang si Ivan Solimen ng College of Saint Benilde na nagrehistro ng 7.083 puntos habang napasakamay ni Roi Belano ng Colegio de San Juan de Letran ang tanso bitbit ang 7.134 puntos.
“Big thanks to everyone who supported the athletes especially us (during this pandemic),” ani Arevalo.
Nasa ikaapat na puwetso si Christian Tayrus ng Arellano University (6.617) kasunod sina John Estoy ng San Sebastian College-Recoletos (6.417), Mikko Bataoil ng Jose Rizal University (6.284), Jake Aldrin Ramos ng Lyceum of the Philippines University (6.150) at Ralph Gasco ng Emilio Aguinaldo College (6.033).
Bilang bahagi ng pag-iingat ng liga, ipinadala lamang ng mga kalahok ang kani-kaniyang videos na siyang pinagbasehan upang madetermina ang mga nanalo sa naturang event.
Hindi nagpartisipa ang University of Perpetual Help System Dalta at Mapua University.