MANILA, Philippines — Mula sa pagiging No. 40 ay umakyat sa No. 9 na puwesto si Fil-Japanese Yuka Saso sa Rolex World Rankings matapos ang makasaysayang panalo sa katatapos na 76th US Women’s Open sa San Francisco.
Mayroon ngayong 5.52 average points sa pinakabagong women’s world rankings ang 19-anyos na si Saso, ang ikalawang teenager na nagwagi sa US Women’s Open matapos si South Korean Park Inbee.
Sa nasabing tagumpay ay inaasahang mabibigyan si Saso, ang 2018 Asian Games double gold medalist, ng tiket para sa 2021 Olympic Games na idaraos sa Tokyo, Japan.
Nakaupo si Saso sa No. 22 sa International Golf Federation (IGF) Reallocation Reserve List (Women) para sa 2021 Tokyo Olympics na idaraos sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8.
“Marami pa pong tournaments,” sabi ng 5-foot-5 na si Saso. “Focus lang po muna ako sa mga upcoming tournaments.”
Ihahayag ang mga pagalan ng tig-60 men at women golfers na maglalaro sa Tokyo Olympics pagkatapos ng qualification deadline sa Hunyo 28.
Inungusan ni Saso si US Women’s Open runner-up Nasa Hataoka na umakyat sa No. 10 mula sa No. 13 sa kanyang average na 5.41 points.
Tinalo ni Saso si Hataoka sa kanilang playoff match sa US Women’s Open para maging kauna-unahang major golf tournament champion ng Pilipinas.
Inaasahan ring mabibigyan si national golfer Bianca Pagdanganan ng Olympic slot. Kasalukuyang nasa No. 41 sa Olympic rankings si Pagdanganan, nakatambal ni Saso sa pagkopo ng gold medal sa team event ng 2018 Asian Games.
Umangat naman si American Lexi Thompson (5.90) sa No. 7 kasunod ang No. 8 na si Hyo-Joo Kim (5.61) ng South Korea.