UAAP Season 84 matutuloy kung may vaccination na

MANILA, Philippines — Malaki ang magiging papel ng vaccine rollout na magiging susi upang matuloy ang UAAP Season 84.

Sinabi nina UAAP executive director Rebo Saguisag at league president Nonong Calanog na pumayag na ang Commission on Higher Education (CHEd) na makapag-ensayo ang mga student-athletes.

Subalit kailangan pa ito ng basbas mula sa Inter-Agency Task Force (IATF) na siyang nagbibigay ng go-signal sa training.

Kaya naman makatutulong sa pagdedesisyon ng IATF ang kasalukuyang vaccination program na itinuturing na magiging sagot upang tuldukan ang pandemya.

“Of course, nothing has been approved by the IATF but that (vaccine) is the game-changer,” ani Saguisag sa programang UAAP Talk.

Sakaling maaprubahan ng IATF ang training, nais ng UAAP na agad na isunod ang planong pagsisimula ng UAAP Season 84.

“What we’re looking at the vaccines is key not just the return to training, but now the return of competition. With the vaccine rollout, your premise changes,” ani Saguisag.

Magsasagawa ang UAAP ng information drive para maipaliwanag sa mga student-athletes ang kahalagahan ng vaccination.

“Education with regards to vaccination is one of the focuses of our webinars with our team captains, so that we can encourage our athletes to be vaccinated. It will be the one that will make sure our athletes can compete in Season 84,” ani Calanog.

Show comments