2-0 na rin ang Sixers
PHILADELPHIA — Umiskor sina Ben Simmons at Joel Embiid ng tig-22 points sa 120-95 pagpapatumba ng 76ers sa Washington Wizards sa Game Two para ilista ang 2-0 lead sa kanilang Eastern Conference first-round playoffs series.
Nagtala rin si Simmons ng 9 rebounds at 8 assists para sa Philadelphia na nakahugot kay starting power forward Tobias Harris ng 19 markers at 9 boards.
Nauna nang humataw si Harris ng playoff career-high 37 points sa kanilang 125-118 panalo sa Wa-shington sa Game One. Binanderahan ni Bradley Beal ang Wizards sa kanyang team-high 33 points at may 11 markers si Japanese-born Rui Hachimura.
Tumapos si triple-double king Russell Westbrook na may 10 points at 11 assists bago nilisan ang laro bunga ng right ankle sprain sa kaagahan ng fourth period kung saan kinuha ng 76ers ang 107-83 bentahe.
Habang papunta sa Washington locker room ay binuhusan si Westbrook ng popcorn ng isang Philadelphia fan na kaagad pinalabas sa venue ng security.
Sa Salt Lake City, nagbalik sa aksyon si guard Donovan Mitchell at umiskor ng 25 points sa paggiya sa Utah Jazz sa 141-129 paggupo sa Memphis Grizzlies para itabla sa 1-1 ang kanilang Western Conference first-round series.
Di inalintan ng Utah ang franchise-record na 47 points ni Ja Morant para makabangon sa 109-112 pagkatalo sa Memphis sa Game One.
Sa New York, kumamada si Derrick Rose ng 26 points at nagtala si Most Improved Player of the Year Julius Randle ng 15 points at 12 rebounds sa 101-92 panalo ng Knicks sa Atlana Hawks para itabla sa 1-1 ang kanilang serye.
Pinamunuan ni Trae Young ang Hawks sa kanyang 30 points kasunod ang tig-18 markers nina Bogdan Bogdanovic at De’Andre Hunter. Si Young ang nag-lusot sa 107-105 tagumpay ng Atlanta laban sa New York sa Game One.
- Latest