WASHINGTON — Tuluyan nang sinikwat ng Wizards ang huling playoffs seat sa Eastern Conference matapos ang 142-115 pagpapatalsik sa Indiana Pacers sa kanilang play-in matchup.
Umiskor si Bradley Beal ng 25 points at kumolekta si triple-double king Russell Westbrook ng 18 markers, 15 rebounds at 8 assists para sa pakikipagtuos ng No. 8 Wizards sa No. 1 Philadelphia 76ers sa first-round series.
Nagdagdag rin si Japanese forward Rui Hachimura ng 18 points para sa Washington na nauna nang natalo sa Boston Celtics, 100-118. Ang No. 7 Celtics ang lalaban sa No. 2 Brooklyn Nets sa sarili nilang first-round series.
Ang three-point shot ni Beal ang nagbigay sa Wizards ng 30-point lead, 98-68, sa huling apat na minuto ng third quarter na hindi napaliit ng Pacers.
Binanderahan ni Malcolm Brogdon ang Indiana sa kanyang 25 points at naglista si Domantas Sabonis ng triple-double na 19 points, 11 rebounds at 10 assists bago na-foul out sa kaagahan ng fourth period.
Samantala, pag-aagawan ng Golden State Warriors at ng Memphis Grizzlies ang No. 8 spot sa Western Conference para sa karapatang labanan ang No. 1 Utah Jazz sa first-round playoffs series.
Nakalasap ang Warriors ng 100-103 kabiguan sa nagdedepensang Los Angeles Lakers, inangkin ang No. 7 berth para harapin ang No. 2 Phoenix Suns sa first-round series. Umiskor naman ang Grizzlies ng 100-96 pagsibak sa San Antonio Spurs para ayusin ang kanilang duwelo ng tropa ni Stephen Curry.