Stephen Curry NBA scoring king
MANILA, Philippines — Kasabay ng pagkopo ng Portland Trail Blazers sa No. 6 spot sa Western Conference playoffs ay ang pagsambot ni Stephen Curry ng kanyang ikalawang NBA scoring title sa pagtiklop ng regular season games.
Nakamit naman ng Utah Jazz ang No. 1 spot sa West habang tuluyan nang nahulog ang nagdedepensang Los Angeles Lakers sa play-in tournament.
Sa Portland, naglista si Damian Lillard ng 22 points at 10 assists sa 132-116 paggiba ng Trail Blazers (42-30) sa Denver Nuggets (47-25) para angkinin ang No. 6 berth sa West playoffs at ilag-lag ang Lakers (42-30) sa play-in kahit pa nanalo ito sa New Orleans Pelicans (31-41), 110-98 para makuntento sa No. 7 seat.
Muling magtutuos ang No. 6 Blazers at No. 3 Nuggets sa first round ng playoffs.
Sa San Francisco, humataw si Curry ng 46 points para pamunuan ang 113-101 paggiba ng Golden State Warriors (39-33) sa Memphis Grizzlies (38-34) at upuan ang No. 8 seed sa play-in tournament sa West.
Nakamit ng 33-anyos na si Curry ang ikalawa niyang scoring title na una niyang nakopo noong 2015-16 season.
Lalabanan ng No. 8 Warriors (39-33) ang No. 7 Lakers (42-30) sa play-in tournament sa West at haharapin ng No. 9 Grizzlies (38-34) ang No. 10 San Antonio Spurs (33-39).
Sa play-in sa East ay magtutuos ang No. 7 Boston Celtics (36-36) at ang No. 8 Washington Wizards (34-38) at magtatapat ang No. 9 Indiana Pacers (34-38) at No. 10 Charlotte Hornets (33-39).
Ang mananalo sa pagitan ng No. 7 at No. 8 teams ang kukuha sa No. 7 ticket sa playoffs at ang matatalo ang haharap sa mananaig sa No. 9 at No. 10 squads para pag-agawan ang No. 8 slot sa playoffs.
Sa Sacramento, kumamada si Fil-Am Jordan Clarkson ng 33 points sa 121-99 pagdomina ng Utah Jazz (52-20) sa talsik nang Kings (31-41) para makopo ang No. 1 spot sa West playoffs.