Clarkson, Lin magkasangga

Jordan Clarkson at Jeremy Lin

MANILA, Philippines — Suportado ni Jeremy Lin ang kapwa Asian-American na si Jordan Clarkson sa patuloy na pagrepresenta at pagbandera ng kani-kanilang mga bandila sa NBA.

Sa isang palitan ng mensahe sa Twitter, pinuri ng dating NBAplayer na si Lin, tubong Taiwan ang mga magulang, si Filipino-American standout Clarkson at ang mga Filipino fans sa buong suporta sa kanya sa Utah Jazz.

“It’s been amazing to see what Jordan has been doing this season. And Filipino fans are some of the best in the world,” ani Lin., lumalaro na ngayon sa Chinese Basketball Association (CBA).

“My brother, respect,” sagot naman ni Clarkson.

Dating teammates ang dalawa na parehong gustong maglaro sa kani-kanilang national teams.

Nagsimula sila noong 2014 bilang magkakampi sa LA Lakers kasama si legend Kobe Bryant bago naghiwalay ng landas at magtungo sa magkaibang koponan.

Si Lin,  ginulat ang NBA sakay ng “Linsanity” sensation para sa New York Knicks noong 2011, ay tumungo sa Golden State, Houston, Charlotte, Brooklyn, Atlanta at Toronto kung saan siya nag-kampeon noong 2019.

Matapos naman ang LA stint ay napunta si Clarkson sa Cleveland kung saan niya naging kakampi si LeBron James bago ma-trade sa NBA No. 1 team ngayon na Utah Jazz kung saan nagre-rehistro ng average point na 17.3 upang manguna karera para sa 6th Man of the Year award.

Pareho rin nilang gustong maglaro sa mga pinagmulang bansa, si Lin sa Taiwan at si Clarkson sa Pilipinas.

Kung papayagang makalaro bilang local o naturalized players man sa kanilang mga national teams, inaasahan ang engrandeng pagku-krus ng landas nila sa FIBA Asia, Asian Games at ma­ging Olympics.

Magkasangga rin sila bilang pinakaprominenteng Asian American players na nagsusulong ng karapatan at kapayaan sa gitna mga diskriminasyon ngayon sa mga Asyano.

Show comments