PSA Awards Night ngayon

MANILA, Philippines — Pormal na pararangalan ang mga atleta at sports personalities na nagpakinang sa Philippine sports sa harap ng pandemya sa San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Awards Night ngayong gabi sa TV5 Media Center.

Pamumunuan ni lady golfer Yuka Saso ang kabuuang 32 awardees na binubuo ng mga sportsmen, officials at entities na sumagot sa hamon ng pandemya na nakaapekto sa mga local at international sports.

Igagawad kay Saso ang Athlete of the Year Award ng pinakamatandang media organization na pinamumunuan ni Manila Bulletin sports editor Tito S. Talao.

Ito ang ikalawang pagkakataon sa huling tatlong taon na ibibigay sa 19-anyos na golfer ang pinakamataas na pagkilala ng Philippine sportswriting fraternity matapos noong 2018 kung saan niya nakasalo sa tropeo sina golfers Bianca Pagdanganan at Lois Kaye Go at 2016 Olympic Games silver medal winner Hidilyn Diaz.

Ang Awards Night na idaraos via virtual sa unang pagkakataon ay inihahandog ng San Miguel Corporation (SMC) katuwang ang Philippine Sports Commission (PSC) at Cignal TV.

Si PSC chairman William ‘Butch’ Ramirez ang guest speaker para sa event at magbibigay siya ng talumpati para sa Philippine sports community.

Ipapalabas ang awards rite bukas ng alas-7 ng gabi sa OneSports+ kasama ang 1Pacman Partylist, Chooks-to-Go at Rain or Shine bilang major backers.

Ang iba pang mga awardees ay sina Philippine Olympic Committee president Abraham ‘Bambol’ Tolentino (President’s Award), PBA Commissioner Willie Marcial (Executive of the Year), ang Alliances of Boxing Association in the Philippines (National Sports Association of the Year) at sina sports leaders Jose A. Romasanta, Renauld ‘Sonny’ Barrios at ang yumaong si dating Ambassador at basketball godfather Eduardo ‘Danding’ Cojuangco Jr. (Lifetime Achievement Award).

Tatanggap din ng major awards sina netter Alex Eala at pro boxers Johnriel Casimero at Pedro Taduran, habang ibibigay kay boxing legend at Senator Manny Pacquiao ang Chooks-to-Go Fan Favorite ‘Manok ng Bayan.’

Show comments