MANILA, Philippines — Inilabas ng Bureau of Immigration (BI) ang deportation order kay dating Cameroonian Adamson University player Papi Sarr matapos itong masangkot sa gulo noong nakaraang taon.
Sa BI order, nakasaad ang deportation complaint ni Alexander Exodus Santos Cordero laban kay Soulemane Gawall Cherif (Sherif) Sarr (Papi) dahil sa “unjust vexation and threats.”
Dahil dito, inutusan ng BI si Sarr na gawin ang tatlong bagay sa naturang order.
Una, pinagmumulta ito ng “immigration fees fine and penalties” from July 15, 2020 up to the actual implementation of this order to be computed by Tourist Visa Section.”
Ikalawa, kailangan ding humingi ni Sarr ng Emigration Clearance Certificate (ECC) at NBI clearance.
Pinakamalupit ang ikatlong item kung saan kailangan nang umalis ng bansa ni Sarr sa loob ng 30 araw matapos matanggap ang sulat ng BI.
Naaresto si Sarr matapos masangkot sa gulo sa Adamson noong Marso 5, 2020.
Inilatag ni Adamson athletic director Fr. Aldrin Suan ang dismissal letter ni Sarr dahil sa ilang ulit na paglabag sa regulasyon ng unibersidad, pagliban sa ensayo ng koponan at ilan pang violations.
Hindi ito nagustuhan ni Sarr kaya’t nauwi ito sa kaguluhan.
Naaresto si Sarr ng Manila Police District at agad itong humingi ng tawad.
Napaso na ang visa ni Sarr noong Hulyo 15, 2020 at hindi na ito binigyan pa ng extension.