MANILA, Philippines — Dalawang Presidential Gold Cup champions ang sumalang sa pista ng San Lazaro sa Carmona, Cavite noong Sabado at Linggo.
Magkaiba ang naging kapalaran ng 2019 PGC king Super Sonic at last year ruler Pangalusian Island.
Muling ipinakita ng Super Sonic ang kanyang husay matapos manalo sa Condition Race (16), Sabado ng gabi sa impresibong pagkakadala ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey-of-the-Year awardee Jessie Guce.
Nakatikim ng magandang laban ang Super Sonic nang sabayan ito ng Four Strong Wind sa huling 50 metro ng laban at nakaungos ang una para angkinin ang panalo.
Nagwagi ang Super Sonic na may kalahating kabayo sa Four Strong Wind, nirehistro nito ang 1:28.6 minuto sa 1,400 meter race.
Nabigo naman noong Linggo ng hapon ang Pa-ngalusian Island matapos malampaso ng Our Tito sa naganap na 2021 PHILRACOM 4-Year-Old & Above Local / Imported Challenge race.
Kilalang matulis sa rematehan ang Pangalusian Island pero hindi ito nakaporma sa Our Tito na nirendahan ni class A rider Dan Camanero.
Magkasabay hanggang sa huling 600 metro ng karera ang Our Tito at Pangalusian Island pero kumawala ang una sa far turn. Hindi nakasabay ang Pangalusian Island sa remate ng Our Tito.
Inirehistro ng Our Tito ang impresibong 1:39.2 sa 1600 meter race sapat upang hablutin ang P300,000 na premyo.
Segundo ang Chancetheracer, tersero ang Full Stream habang pumang-apat ang Sky Candy.
Ang nasabing mga karera ay parehong suportado ng Philippine Racing Commission.