Olympic Athletes babakunahan sa Mayo?

MANILA, Philippines — Umaasa si Team Philippines Chef De Mission Ma-riano ‘Nonong’ Araneta na mabibigyan ng coronaivirus disease (COVID-19) vaccines ang mga 2021 Olympic Games qualifiers at hopefuls pagdating ng Mayo.

Kamakailan ay inihayag ni Philippine Olympic Committee (POC) president Rep. Abraham “Bambol” Tolentino na magbibigay ng libreng bakuna si business tycoon Enrique Razon, ang chairman ng International Container Terminal Services, Inc., para sa nasabing mga atleta.

“We’re trying our best na magkaroon ng vaccines ang athletes,” wika ni Araneta. “Hopefully by May, magkakaroon na tayo ng vaccine.”

Sa naunang pahayag ng gobyerno ay hindi nila prayoridad ang mga national athletes na mabigyan ng COVID-19 vaccines.

Ang nasa itaas ng kanilang listahan ay ang mga frontliners na lumalaban sa coronavirus.

“Hindi naman mandatory, but it is advised by the IOC (International Olympic Committee) na kung puwede ay magpa-vaccinate ‘yung mga athletes,” ani Araneta.

Sina pole vaulter Ernest John Obiena, gymnast Carlos Edriel Yulo at boxers Eumir Felix Marcial at Irish Magno pa lamang ang nag-qualify sa 2021 Olympics sa Tokyo, Japan sa Hulyo.

Halos 82 pang national athletes ang nakatakdang lumahok sa mga Olympic qualifying tournaments.

 

Show comments