Peak Form makikipagsabayan sa PVL
MANILA, Philippines — Handa ang bagong tropa ng Peak Form na makipagsabayan sa matitikas na tropa sa Premier Volleyball League (PVL) na nakatakdang simulan sa Abril sa isang bubble setup.
Babanderahan ni dating University of Santo Tomas (UST) standout Carmela Tunay ang Peak Form na isa sa mga bagong mukha na masisilayan sa Open Conference ng kauna-unahang professional volleyball league sa bansa.
Makakasama nito sina Chloe Cortez at Jessma Ramos na katropa ni Tunay sa Motolite Power Builders na kamakailan lamang ay nadisband dahil sa epekto ng pandemya.
Hahataw din sina Dimdim Pacres, Judith Abil at Coleen Bravo na dating miyembro ng Marinerang Pilipina gayundin sina Angelica Legacion ng Petron, at Angeli Araneta at Bia General ng Generika-Ayala Lifesavers.
Nagpasya ang Petron, Marinerang Pilipina at Generika-Ayala na magsumite ng leave of absence sa taong ito sa Philippine Superliga dahil sa pandemya.
Tiwala naman si Tunay na palaban ang kanilang koponan sa kabila ng pagiging bagito nito kumpara sa malalakas na tropa gaya Creamline Cool Smashers at PetroGazz Angels na matagal nang magkakasama.
“We really have to do our best because this team, they invested their trust in us, not just gave us jobs, but they trusted us. We (need) to give them (owners) quality performances and quality relationship,” ani Tunay.
Hahawakan ang Peak Form ni dating Cignal HD Spikers head coach Ed Barroga.
- Latest