Ayan na si Kai
MANILA, Philippines — Sa kanyang inaasahang pagbabalik sa bansa kagabi ay hindi agad makakasama si Pinoy basketball sensation Kai Sotto sa ensayo ng Gilas Pilipinas sa ‘bubble’ sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.
Sinabi kahapon ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Al Panlilio sa Philippine Sportswriters Association (PSA) webcast edition na kailangan munang ilagay ang 7-foot-3 cager sa mandatory quarantine period.
“Ang sabi sa akin I think after five or seven days they will (COVID-19) test him and then if he’s negative naman he’s allowed na to enter the bubble (Inspire Sports Aca-demy),” sabi ni Panlilio sa anak ni dating PBA center Ervin Sotto. “Maybe he’ll be practicing about a week or a week before the (Gilas) team departs,” dagdag pa nito.
Nagpaalam ang 18-anyos na si Sotto sa Ignite, ang select team na sasabak sa 2021 NBA G League season sa ‘bubble’ sa Orlando, Florida, para isuot ang uniporme ng Gilas Pilipinas sa FIBA Asia Cup 2021 qualifiers.
“The sooner he can come in, the bettter for him. He needs to understand the system that they’re trying to run,” ani Panlilio sa pagsama ni Sotto sa Gilas team.
Bibiyahe ang Gilas anumang araw pagkatapos ng Valentines pa-Doha, Qatar, pinili ng FIBA para sa hosting ng final qualifying window para sa continental tournament.
Dalawang beses lalabanan ng Nationals (3-0) ang South Korea (2-0) sa Pebrero 18 at 22 bago sagupain ang Indonesia (1-2) sa Pebrero 20 kung saan isang panalo lamang ang kailangan para mag-qualify sa 2021 FIBA Asia Cup tournament.
- Latest