CJ Perez focus lang sa gilas training
MANILA, Philippines — Nakasentro ang atensiyon ni Terrafirma ace CJ Perez sa puspusang training camp ng Gilas Pilipinas sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.
Putok na putok na ang balitang mapupunta sa San Miguel Beer si Perez ngunit inamin nitong wala pang kumakausap sa kanya patungkol sa trade.
Habang nasa Calambubble, walang kaalam-alam si Perez na gumugulong na ang trade talks para sa kanya.
Posibleng nalaman na lamang ng PBA Season 45 Philippine Cup Best Player of the Conference candidate ang balita sa social media.
“Wala pang kumakausap at nagsabi sa akin,” ani Perez sa panayam ng One Sports.
Abala si Perez sa ensayo kasama ang Gilas Pilipinas pool na naghahanda para sa FIBA Asia Cup Qualifiers na idaraos sa Pebrero 18 hanggang 22 sa Doha, Qatar.
Ayaw munang isipin ni Perez ang mga kaganapan para maitutok ang buong atensiyon sa kanyang Gilas Pilipinas stint.
Anuman ang mangyari pagkatapos ng kanyang tungkulin sa Gilas, handa itong tanggapin-- kung babalik man ito sa Terrafirma o tuluyan nang maaaprubahan ang trade. “Player lang naman ako, hinihintay ko na lang kung anong mangyayari (kasi) wala naman akong kontrol,” ani Perez.
Naisumite na ang trade proposal sa pamunuan ng PBA kung saan mapupunta si Perez sa Beermen kapalit nina Gelo Alolino, Russel Escoto at Matt Ganuelas-Rosser kasama pa ang eighth overall pick sa 2021 PBA Annual Rookie Draft.
“Focus lang muna ako dito (sa Calambubble),” ani Perez na isa sa 6-PBA players na tumugon sa SBP para sa Gilas.
- Latest