MANILA, Philippines — Simula na ang panibagong ratsada ni World No. 1 Orencio James De los Santos sa taong ito sa pagsabak nito sa prestihiyosong Sportdata e-Tournament World Series 2021.
Naka-entra na si De Los Santos sa e-kata individual male seniors event kung saan inaasahang makakasagupa na naman nito ang world-ranked players gaya nina world ranked No. 2 Domont Matias Moreno ng Switzerland, No. 4 Silvio Cerone-Biagioni ng South Africa, No. 5 Alfredo Bustamante ng Amerika at No. 6 Nejc Sternisa ng Slovenia.
Matapos ang maningning na kampanya noong nakaraang taon sa paghakot ng 36-gold medals, desidido si De Los Santos na umarangkadang muli sa 2021 season para mapatatag ang kanyang kapit sa No. 1 spot.
Malayo ang agwat ni De Los Santos sa world ranking sa hawak nitong 18,020 puntos--malayo sa 9,390 puntos ni Moreno at 8,890 puntos ni dating No. 1 Eduardo Garcia ng Portugal na kasalukuyang nasa ikatlong puwesto na.
Balik na sa gym si De Los Santos para paghandaan ang magiging routine nito sa World Series. “Let’s go!” ayon sa post nito sa kanyang social media ccount.
Maliban kay De Los Santos, naka-entra rin sa World Series ang lima pang Pinoy karatekas.
Masisilayan si Fatima Hamsain sa tatlong events-- e-kata individual female U15 at U17 at sa U15 e-kumite female category. Sasabak din sa kani-kanyang events sina Christina Karen Colonia (e-kata individual female U16), John Adonis Colonia (e-kata individual male U15), Alyssa Eunice Dinglasan (e-kata individual female U13) at Julia Marcos (e-kata individual female U21).