MANILA, Philippines — Ilang araw nang nasa loob ng ‘bubble’ sa Inspire Sports Acaddemy sa Calamba, Laguna ang mga national teams ng boxing, taekwondo at karatedo ngunit hindi pa sila makapag-training dahil hinihintay pa ang resulta ng kanilang mga Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) tests para sa coronavirus disease (COVID-19).
“Nakapasok na ‘yung expected na 99 percent of the athletes. They are still confined in their rooms while waiting for the final results,” wika kahapon ni Philippine Sports Commission (PSC) National Training Director Marc Velasco sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum webcast edition. “This is a process that is part of the protocol kasi we don’t want to risk something that is untowards sa mga athletes”.
Magsasanay ng tatlong buwan ang mga national boxers, taekwondo jins at karatekas sa ‘bubble’ para paghandaan ang mga lalahukang qualifying tournaments ng 2021 Olympic Games sa Tokyo, Japan sa Hulyo.
Kabilang sina Olympics qualifier Irish Magno at 2019 AIBA World Women’s Boxing Championships gold medalists Nesthy Petecio sa mga atletang nasa loob ng ‘bubble’. Isa naman si 2019 Southeast Asian Games gold medalist Jamie Lim, anak ni PBA legend Samboy Lim, sa mga national karatekas na magsasanay sa ‘Calambubble’.
Nilinaw naman ni Velasco na tanging ang mga atleta lamang na lalaban sa mga Olympic qualifying tournaments ang pinayagan ng Inter-Agency Task Force na magsanay sa loob ng ‘bubble’ at wala pang ‘go signal’ ang IATF para sa training ng mga atletang sasabak sa 31st Southeast Asian Games sa Vietnam sa Nobyembre.