Pringle Best Player sa PBA bubble
MANILA, Philippines — Bagama’t No. 6 lamang siya sa statistical race ay napasakamay pa rin ni Barangay Ginebra star guard Stanley Pringle ang Best Player of the Conference ng 2020 Philippine Cup.
Iginawad sa Fil-American point guard ang BPC trophy kahapon sa kauna-unahang virtual Special Awards ng Philippine Basketball Association (PBA) Season 45 na idinaos mula sa TV 5 studio sa Mandaluyong City.
Hindi maikakailang malaki ang naging kontribusyon ni Pringle sa pag-angkin ng Gin Kings sa korona ng All-Filipino conference na idinaos sa ‘bubble’ sa Clark, Pampanga mula noong Oktubre hanggang Disyembre.
“Coach Tim (Cone) really motivated us to play hard,” wika ni Pringle para sa kanyang unang BPC award. “They (teammates) definitely motivated me to play hard and just going out for the championship.”
Inungusan ni Pringle para sa BPC award sina Ray Ray Parks, Jr. at Roger Pogoy ng TNT, Matthew Wright at Calvin Abueva ng Phoenix at CJ Perez ng Terrafirma.
Nagposte ang 2014 top overall pick ng GlobalPort (NorthPort) ng mga averages na 18.5 points, 5.9 rebounds at 3.9 assists mula sa elimination hanggang sa semifinal round.
Sa 4-1 pagsibak ng Ginebra sa TNT sa kanilang best-of-seven championship series ay naglista ang 33-anyos na si Pringle ng mga averages na 19.6 points, 4.6 rebounds at 4.8 assists.
Napasama rin ang pangalan ni Pringle sa Outstanding/Elite Five na binubuo nina Wright, Abueva, Ginebra forward Japeth Aguilar at TNT center Poy Erram.
Ibinigay kay guard Scottie Thompson ang Samboy Lim Sportsmanship award, habang kinilala si center Prince Caperal bilang Most Improved Player.
- Latest