MANILA, Philippines — Nakatakda sa Nobyembre 21 hanggang Disyembre 2 ang 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.
Bagama’t may ilang buwan pang pagsasanay ay aminado si Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham ‘Bambol’ Tolentino na mahirap nang maidepensa ng bansa ang overall championship sa SEA Games.
“Talagang mahirap iyang kunin subalit inaasam natin na sana Top Three kung hindi natin makuha iyong first. Una, nakapaghanda na ang Vietnam diyan katulad ng ginawa natin before. Pangalawa, aminin na natin na medyo delay tayo sa training ng mga atleta natin. Iilan pa lang ang pinayagan.” wika ni Tolentino. “Actually, hindi pa nga nag-start iyong mga pinayagan nang mag-training. Ang nag-start pa lang ‘yong mga nasa abroad na qualified sa Tokyo (Olympic Games) at ang pinayagan pa lang ay ‘yong mga qualifying for Tokyo. Hindi pa natin dini-discuss iyong all delegates going to Southeast Asian Games.”
Para makopo ang overall crown ng 30th SEA Games noong December, 2019 na pinamahalaan ng bansa ay humakot ang Team Philippines ng kabuuang 149 gold, 117 silver at 121 bronze medals. Pumangalawa ang Vietnam sa nakolektang 98 gold, 85 silver at 105 bronze medals kasunod ang Thailand (92-103-123), Indonesia (72-84-111) at Malaysia (56-57-71).
“Yes, we still have the time but iyong mga katunggali natin sa ibang bansa, I think nag-start na sila,” ani Tolentino. “Some NSAs maghahanap pa ng ibang kulang nating atleta at iyong iba magna-national open pa to determine who will be their delegates.”
Samantala, nagdaos kahapon ang Philippine Sports Commission (PSC) ng isang virtual orientation para sa mga national boxers, taekwondo jins at karatekas na papasok sa ‘bubble’ training sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.
“Our boxing team is scheduled to arrive on January 15, with the taekwondo and karate teams on January 16 and 17 respectively,” wika ni Philippine Sports Institute National Training Director Marc Velasco.
Mahigpit na health at safety protocols ang ipatutupad ng PSC sa nasabing ‘bubble’ para sa 46 athletes at coaches, ayon kay PSC Commissioner Ramon Fernandez.