MANILA, Philippines — Nangunguna si Filipino-American guard sensation Jason Brickman sa listahan ng mga unang aplikante sa inaabangang 2021 PBA Rookie Draft sa Marso.
Opisyal nang nagpasa ng kanyang aplikasyon ang San Miguel-Alab Pilipinas standout kahapon kasama ang lima pang rookie hopefuls matapos magsimulang tumanggap ang PBA ng mga applications.
Isa si Brickman, 29, sa hinihintay na mag-apply sa PBA draft bunsod ng kanyang kalibre sa ASEAN Basketball League at sa US NCAA, kung saan ikaapat siya sa all-time career assists list para sa Long Island University Brooklyn.
Kasama si Phoenix Super LPG star Matthew Wright, ginabayan ni Brickman sa ABL championship ang Malaysia Westports Dragons noong 2016 bago maglaro sa Mono Vampire at Alab Pilipinas.
Nag-rehistro siya ng 8.9 puntos, 4.1 rebounds, 1.1 steals at pambihirang 9.1 assists para sa Alab bago nakansela ang ABL bunsod ng pandemya.
Sumali na rin sa draft ang kanyang Alab teammates na sina Jeremiah Gray at Brandon Ganue-las-Rosser, kapatid ni SMB forward na si Matt.
Nagsumite na rin ng kanyang aplikasyon ang anak ni two-time PBA MVP Benjie na si Andre Paras matapos ang D-League stint simula pa noong 2017 gayundin sina Kyle Sanchez ng San Beda at Shem Kenneth Magallanes ng Caybiga High School.
Pagkatapos ng Pasko at Bagong Taon ay inaasahang magsusulputan na rin ang iba pang bigating aplikante tulad nina Joshua Munzon, Jamie Malonzo, Alvin Pasaol, Troy Rike, Franky Johnson, Santi Santillan at Larry Muyang.
Mayroon hanggang Enero 27 ang mga interesadong cagers upang magpasa ng kanilang mga aplikasyon para sa annual draft proceedings na nakatakda sa Marso 14.