World No. 1 na si Yulo

MANILA, Philippines — Sumampa si world champion Carlos Edriel Yulo sa No. 1 spot sa world ranking ng men’s floor exercise artistic gymnastics na inilabas ng International Gymnastics Federation (FIG).
Nakalikom si Yulo ng 70 puntos sapat upang makasalo sa No. 1 spot si Rayderley Zapat ng Spain na may parehong puntos na nakuha.
Pasok sa Top 10 sina Kiriil Prokopev ng Russia (64), Aretm Dolgopyat ng Israel (60), Milad Karimi ng Kazakhstan (52), Emil Soravuo ng Finland (48), Sung Hyun Ryu ng South Korea (48), Kazuki Minami ng Japan (46), Casimir Schmidt ng Netherlands (46) at Hayden Skinner ng Great Britain (40).
Galing si Yulo sa matagumpay na kampanya sa All-Japan Gymnastics Championship na ginanap sa Takasaki, Japan kung saan nakahirit ang 20-anyos Pinoy gymnast ng dalawang tansong medalya sa floor exercise at vault habang pumangwalo ito sa individual all-around.
Masaya si Japanese mentor Munehiro Kugimiya sa ipinamalas ni Yulo partikular na sa vault event na isa rin sa hinahasa nito.
“Very Nice performance. Landing preparation and high landing. We set new target and try our best our training to beat them (next time),” ani Kugimiya sa kanyang post sa social media.
- Latest