Mataas pa rin ang stats ni Parks

Ray Ray Parks, Jr.

MANILA, Philippines — Sa Game One lamang siya naglaro sa nakaraang 2020 PBA Philippine Cup Finals, ngunit hindi natinag si TNT Tropang Giga star guard Ray Ray Parks, Jr. sa kanyang puwesto.

Hinirang si Parks bilang statistical race winner ng nag-iisang torneo na matagumpay na nairaos ng liga sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Bumandera si Parks sa stats race sa kanyang 38.2 Statistical Points (SP) average kasunod sina Calvin Abueva ng Phoenix ((37.1), TerraFirma guard CJ Perez (35.7), Phoenix main man Matthew Wright (35.65), RR Pogoy (35.64) ng TNT at sina Barangay Ginebra players Stanley Pringle (34.8), Japeth Aguilar (32.9) at Scottie Thompson (32.8).

Nasa Top 10 rin sina NorthPort big man Christian Standhardinger (34.6) at Phoenix power forward Jason Perkins (32.7).

Sa Top 25 players kukunin ang tinatawag na “Special Five” na pararangalan ng PBA sa isang special awards rites sa Enero.

Lumala ang strained left calf injury ng 6-foot-3 na anak ni seven-time PBA Best Import Bobby Parks sa Game One ng championship series ng Tropang Giga at Gin Kings.

At dahil dito ay hindi na nakalaro si Parks para sa TNT sa Games Two hanggang Game Five ng PBA Finals na tuluyang pinagharian ng Ginebra.

Sinabi ni Tropang Giga coach Bong Ravena na hindi na kailangan ng sophomore guard na sumailalim sa isang operasyon at kailangan lamang ng isang mahabang pahinga.

Inaasahang ready to play na si Parks para sa  PBA Season 46 na planong buksan sa Abril ng 2021 at balak gamitan ng closed circuit set up kung wala pang dumating na bakuna sa bansa para sa COVID-19.

“Closed-circuit concept is a lot less lenient, requi-ring home-venue-home scheme; not lockdown in one place for the entire delegation as what we did in Clark,” ani PBA Commissioner Willie Marcial.

Gumastos ang liga ng halos P65 milyon para sa matagumpay na pagdaraos ng 2020 Philippine Cup sa ‘bubble’ sa Clark, Pampanga.

Show comments