MANILA, Philippines — Hindi rin nagpakabog ang mga Pinay gymnasts na kumana ng tatlong ginto at dalawang pilak na medalya sa 2020 Santa’s Cup na ginanap sa Budapest, Hungary.
Inilabas ni Daniela Reggie Dela Pisa ang kanynag winning form para makahirit ng dalawang gintong medalya sa women’s rhythmic gymnastics.
Nangibabaw ang 17-anyos na si Dela Pisa sa hoop at clubs events laban sa mahigit 10 European gymnasts na lumahok sa naturang torneo.
Matatandaang si Dela Pisa ang nag-iisang Pinay gymnast na nagkamit ng gintong medalya noong 2019 SEA Games gymnastics competitions sa Rizal Memorial Coliseum sa Maynila.
Naibulsa ni Dela Pisa, isang ovarian cancer survivor, ang korona sa hoop event na kauna-unahang ginto ng Pilipinas sa rhythmic gymnastics sa biennial meet.
Nagningning din si Breanna Labadan na pumitas ng isang ginto at dalawang pilak na medalya.
Pinagreynahan ni Labadan ang ball event habang pumangalawa ito sa ribbon at sa individual all-around categories.
Ang paglahok nina Dela Pisa at Labadan ay bahagi ng kanilang paghahanda para sa 2021 SEA Games na idaraos sa Hanoi, Vietnam.
Sariwa pa si world champion Carlos Edriel Yulo sa pagkopo ng dalawang tansong medalya sa 2020 All-Japan Championships.
Pumangatlo ang Tokyo Olympics qualifier sa men’s floor exercise at vault habang ikawalo naman ito sa individual all-around.